Myths ng mga Filipino
Sampung Datu ng Borneo
Nilisan ng mga datu, na lulan ng barangay, ang kanilang sakop kasama ang kani-kanilang mga kabiyak. Kabilang sa mga naglayag ay sina: Datu Puti (at Piangpangan), Datu Sumakwel (at Kapinangan), Datu Bangkaya (at Katurong), Datu Paiborong (at Pabilaan), Datu Paduhinogan (at Tibongsapay), Datu Dumangsol, Datu Libay, Datu Dumangsil, Datu Domalogdog, and Datu Balensuela.
Batay sa alamat, ang mga katutubong Agta, na siyang naninirahan sa kapuluan ng Panay, ay naligalig sa pagdaong ng nabanggit na sampung datu. Upang maibsan ang nadaramang takot ng mga Agta, mahinahong ipinarating ni Datu Puti kay Marikudo, pinuno ng mga katutubo, na dalisay ang kanilang hangarin. Nang lumaon, napagkasunduan ng dalawang panig na makipagkalakalan sa isa't isa, sampu ng kanilang nasasakupan. Inanyayahan ni Marikudo ang sampung datu sa isang piging, at dito'y hiniling ng mga datu na makamtan ang kapatagn ng Panay kapalit ng isang gintong salakot na ibibigay nila sa mga katutubo; maluwag namang nagpaunlak ang hiningan. Simula nito'y nagkaroon na ng mabuting samahan ang mga datu at ang mga Agta.
Hindi nagtagal, namundok rin ang mga Agta sapagkat kanilang napuna na lubhang malawak para sa kanila ang kapatagan, kaya naman naiwan dito ang mga datu at pinaghatian ang kalupaan sa tatlo— Aklan, Irong Irong, at Hamitik.
Datu Kalantiaw
Matapos maitatag ng sampung datu mula sa Borneo ang kalaguman ng mga barangay, na kinilala bilang Katilingban it Madya-as, sa isla ng Panay, nahati ito sa tatlong sakop na kani-kanilang pinamunuan – ang Aklan (sa pamumuno ni Datu Bangkaya), ang Irong-irong (sa pamumuno ni Datu Paiburong) at ang Hantik (sa pamumuno ni Datu Sumakwel).
Dalawandaang taon ang lumipas at narating ni Datu Bendaraha Kalantiaw, isang paganong tulisang-pandagat, ang isla ng Panay. Dito, kaniyang ipinahayag na siya ang bagong Punoan (o pinunong tagapagpaganap) ng Madya-as at ng mga sakup o lalawigan na kabilang dito. Ginamit niya ang titulong Rajah sa kanyang pamumuno at itinatag ang kanyang kabisera sa Batang (o Batan). Bilang ikatlong Punoan ng Panay, ipinatupad niya ang Kodigo ni Kalantiaw sa kanyang mga sakop na barangay noong 1433. Tangan ng kodigong ito ang labingwalong sugo o alituntunin na halintulad sa mga tanyag na kodigo ng sinaunang kabihasnan ng daigdig.
Ang pamumuno ni Kalantiaw ay tumagal hanggang 1435 nang siya ay masawi sa kanyang pakikipagtuos kay Datu Manduyog, ang lehitimong Punoan ng Aklan. Hindi naglaon, si Datu Manduyog ay kinilalang Punoan ng isla.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento